Jon Dave A. Angeles, Kalipunan ng Kristianong Kabataan sa Pilipinas (3KP)
Awit Ps 15:2-3, 3-4, 4-5
Deut 4:1-2, 6-8
Santiago 1:17-18, 21b-22, 27
Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23
Ang Pilipinas ay kilala bilang the only Christian Nation in South East Asia. Ayon sa datos, may 92.5% sa kabuuang populasyon sa Pilipinas ay mga Kristiyano, pang apat sa buong Asia na Kristiyanismo ang mayorya ng relihiyon. Sa kabila nito, ang Pilipinas ay patuloy na lugmok sa kahirapan, kawalan ng trabaho, mataas na kriminalidad, kulang sa pagtugon sa mga batayang serbisyong panlipunan at lalo itong tumingkad sa panahon ng pandemya, madami pa rin ang biktima ng patayan at kawalang hustisya.
Ang mga Hudyo sa panahon ng Panginoong Hesu Kristo ay maalam sa pagsunod sa kautusan. Sa katunayan, ang mga Pariseo at Eskriba ay mariing nagmamatyag sa bawat kilos ni Hesus habang siya ay nagmiministeryo dito sa lupa. Faithful sila sa bawat tradisyon ng kanilang pananampalatayang Hudaismo ngunit malayo nilang naisasagawa ang kahulugan ng lahat ng ito.
Sa aklat ni Santiago, ipinangangaral nya na isabuhay ang mga aral na natanggap sa Panginoon. Walang kabuluhan ang pananampalatayang walang gawa, Sabi sa Santiago 1:27, “Ang pagka relihiyosong itinuturing na dalisay at walang kapintasan ng Dios Ama ay ito: Ang pagtulong sa mga ulila at mga biyuda sa kahirapan nila, at ang pagtalikod sa lahat ng kasamaan sa mundong ito.” Ang katunayan ng ating pananampalataya ay hindi nasusukat sa dami ng ating pagdala sa mga gawaing simbahan o di kaya’y sa pagbigkas ng mga bersikulo sa bibliya. Ito ay nakikita sa ating mga gawa, buhay na mananampalatayang nakikitaan ng mga turo ni Hesus.Pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, pag aalay ng panalangin sa mga may sakit; pagpapahayag ng katotohanang nagaganap sa ating lipunan at pakikisangkot sa makatwirang gawain para sa kabutihan ng ating pamayanan.
. Sa ating buhay mananampalataya at mga taga sunod ni Kristo, dapat ding makita sa ating mga gawa ang katibayan ng ating pananampalataya.
Mabuti ang Diyos na ating sinasampalatayan, nawa ay makita rin sa atin ang kabutihang ito na naipadarama sa ating kapwa.
Panalangin:
Sa aming Diyos na nagkaloob ng buhay at kalakasan sa bawat isa sa amin, marapatin po ninyo na maging salalayan kami ng iyong pagpapala, maiibahagi namin sa aming kapwa ang pagmamahal na aming nasumpungan, maitaas ka nawa namin sa pamamagitan ng aming mga paglilingkod, hindi lamang sa aming mga simbahan, kundi sa bawat kapwa na aming nakakasalamuha. Mangibabaw ang Pag-ibig higit sa anumang ritwal o tradisyon at masumpungan mo kaming tapat na naglilingkod sa iyo. Purihin ka aming Diyos. Amen