BalikTanaw Sunday Gospel Reflection

Pinagdaanan ni Hesus ang ilang

1 Comment

DT 26:4-10
ROM 10:8-13
PS 91:1-2, 10-11, 12-13, 14-15
LK 4:1-13

temptationLuke 4:1-2 Jesus, full of the Holy Spirit, left the Jordan and was led by the Spirit into the wilderness, where for forty days he was tempted[a] by the devil. He ate nothing during those days, and at the end of them he was hungry. (NIV)

 

Lukas 4:1-2 Si Jesus na puspos ng Banal na Espiritu ay bumalik mula sa Jordan. Pinatnubayan siya ng Espiritu sa ilang. 2 Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Sa mga araw na iyon ay wala siyang kinaing anuman. Pagkatapos ng mga ito, nagutom siya. (SND)

 

Si Hesus ay pinatnubayan ng Banal na Diwa (patungo) sa ilang o wilderness!

 

Ang ilang ay sumasalarawan ng kawalan:

 

  • kawalan ng taong makakasama, makakaramay, kakampi o nagpapahalaga
  • kawalan ng seguridad o mapagtataguan mula sa mga unos o di kaya’y sobrang init o lamig ng panahon
  • kawalan ng pagkukunan ng pagkain o inumin
  • kawalan ng pag-asa o kinabukasan

 

Bagamat marami sa atin marahil ay hindi pa nararanasan ang makapunta sa ilang gaya ng tinutukoy sa ating aralin, hindi naman maikakaila na danas na danas ng marami sa atin ang mga bagay na sumasalarawan dito.

 

Sa gitna ng mga masisikip na lansangan, pagawaan, tanggapan, paaralan o pamilihan, marami sa atin ang nag-iisa. Walang kasama, walang karamay, walang kakampi, walang nagpapahalaga.

 

Tulad ng ilang, ang mga lungsod na puno ng mga matitibay at matatayog na gusali at magagarang kabahayan ay wala ring maiaalok na matutuluyan para sa mga pamilyang nakatira sa lansangan. Kanino tatakbo ang mga putang pinandidirihan o minamaliit ng lipunan? Sapat ba ang tibay at tayog ng mga naggagandahang mga gusali upang protektahan ang mga bakla o dayuhang sinasaktan gamit ang kabaitan ng simbahan at kulturang kanilang kinabibilangan?

 

Sa kabila ng kasaganahan ng bansa at kahit na ng buong daigdig sa pagkain at tubig, hindi ba’t marami ang namamatay at nagkakasakit sa gutom at uhaw?

 

At kahit ano pa ang kayang ialok ng mga makabagong kagamitan at tuklas na naglalayong pagaangin at pasayahin ang ating pamumuhay, hindi sumasapat ito upang bigyan ng pag-asa at mabuting bukas ang nakararami.

 

Pinagdaanan ni Hesus ang ilang. Naranasan n’ya kung paano ang mabuhay sa gitna ng kawalan. Naranasan n’ya tulad natin kung paanong pagkaitan o malayo sa mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasiguruhan.

 

Ngunit sa karanasan ni Hesus, mapapansin natin na hindi lang ang kanyang kahinaan ang ginamit upang siya ay linlangin. Alam natin ayon sa kwento na gutom si Hesus at mahina ang kanyang pisikal na pangangatawan. Ngunit bukod sa kahinaan ni niya, ginamit din ng Diyablo ang kalakasan o kapangyarihan ni Hesus sa kanyang pagtatangkang masilo siya. Maaari namang gamitin na lang ng Diyablo ang gutom ni Hesus upang panamlayin ang kanyang paniniwala o pananampalataya. Kagaya ng ibang tao na nawawalan ng tiwala sa Diyos dahil sa kanilang kakulangan sa buhay, maaari namang turuan na lang ng manunukso si Hesus na sumbatan ang Diyos dahil sa kanyang tila kawalan o kakulangan ng malasakit. Ngunit imbes na gawin ito ng Diyablo, sinubukan niyang kumbinsihin si Hesus na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang mapawi ang kanyang gutom.

 

Hindi ba’t marami sa ating lipunan ay ganito ang karaniwang solusyon – ang gamitin ang lakas at kapangyarihan? Halimbawa, maaaring ang isang taong nagugutom ay gamitin niya ang kanyang lakas upang magnakaw ng pagkain. Ngunit, hindi lahat ng nagugutom ay nagnanakaw at hindi rin lahat ng magnanakaw ay nagugutom. Ang totoo, ang mga big time na magnanakaw ng ating lipunan ay hindi nagnanakaw dahil sa gutom – nagnanakaw sila dahil sa kanilang kasakiman at kapangyarihan! Malakas sila at kaya nila, kaya ginagawa nila ang pananamantala at pangangamkam ng biyayang dapat sana ay makakasapat na sa pangangailangan ng lahat.

 

Batid ni Hesus na hindi kapangyarihan ang sagot sa kanyang problema. Alam ni Hesus na hindi sapat na gamitin ang kapangyarihan upang talunin n’ya ang kanyang kahinaan. Ang Salita ng Diyos ang kanyang naging sandigan. Salita ng Diyos na nagpapatotoo na mapagmahal, mapa
gkalinga, makatarungan at maawain ang dakilang Maylikha.##

 

 

Floyd Castro

United Methodist Church

Author: PCPR BalikTanaw

The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing ,reading, and reflecting on these with the current context(tanaw).

One thought on “Pinagdaanan ni Hesus ang ilang

  1. Pingback: Pinagdaanan ni Hesus ang ilang | My Freedom Wall

Leave a comment