Dss. Sheila Faye Dayrit Binuya , UMC
Genesis 17:1-7, 15-16
Awit 22:23-31
Roma 4:13-25
Marcos 8:31-38 o Marcos 9:2-9
Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus
31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya’y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya’y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito’y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Pagbulay bulayan natin ang isang reflection sa ating leksyonaryo para sa Ikalawang linggo ng Kwaresma, mula sa Ebanghelyo ni Markos 8: 31-38.
Sa unang bahagi mula sa mga talatang 31- 33
Ipinahayag ni Hesus ang kanyang nalalapit na kamatayan at muling pagkabuhay, sa pamamagitan ng tahasan na salita at hindi sa pamamagitan ng parabula na madalas niyang gawin sa panahon ng kanyang pagtuturo sa mga alagad. Ibinahagi niya sa kanila ang mangyayari sa kanya, magdadanas ng matinding hirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya’y ipapatay subalit muling mabubuhay sa ikatlong araw. Ang pagiging tapat ni Hesus na ito ay nagdulot upang dalhin siya ni Pedro sa isang tabi upang pagsabihan. Marahil ay hindi ganap na naunawaan ni Pedro ang kanyang mga pahayag, maaring sinidlan sya ng takot o pag-aalala , kayat tinawag niya si Hesus upang kausapin subalit tumalikod si Hesus , tumingin sa mga alagad at sinabi kay Pedro, “ Umalis ka sa harap ko.. ang iniisip mo’y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.
Ang mga talatang ito ay hindi kakaiba sa ating mga kasalukuyang kalagayan, may mga taong simbahan na buong tapang na nagpapahayag ng katotohanan subalit may mga naka-ambang kapahamakan sa kanila. Ang mga pagsisiwalat ng katotohanan , mga paglilinaw sa mga batas na umiiral na hindi maka mamamayan at paghahangad ng katarungan para sa iba ay nagiging daan upang ang mga taong naglalakas loob at nagsasama-sama ay mapahamak, subalit ang pagpapahayag nilang ito ay magdudulot ng buhay at pag asa para sa iba. At may mga tao rin na tulad ni Pedro, sapagkat hindi nauunawaang lubos ang pangyayari ay nagpapahinto sa gampanin ng iba nang dahil sa takot. Subalit si Hesus ay hindi nagpatinag upang matupad ang layunin ng kanyang pagparito kahit pagdaanan niya ang pasakit, kahirapan at kamatayan, sapagkat ito ang plano ng Dios para sa kanya at para sa buong sanlibutan. Sa ating buhay bilang mga lingkod ng Dios, at mga taong simbahan, may mga nagpapahinto man sa atin upang magpahayag- hindi ito ang kalooban ng ating Panginoon sapagkat ang layunin ng ating mga paglilingkod at pagkasugo sa atin ng Panginoon ay isinasaad sa Lukas 4: 18-19 “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya, at sa mga bulag na sila’y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”
Ikalawa, sa talatang 34, pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
Si Hesus ay nagbigay ng kongkretong halimbawa ng paglilingkod sa pamamagitan ng pagtuturo, pagpapagaling, pagpapakain at pangangaral. Ang kanyang misyon ay nagkaroon ng katuparan ng kanyang gampanan ang ibat-ibang ministeryo kasama ang mgg tagasunod, at ngayon na ipinahayag na N’ya ang kanyang nalalapit na paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay, siya ay nanawagan sa mga tao at mga alagad na kung sino ang nais sumunod sa kanya ay kinakailangang itakwil ang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa kanya. Ang pagparito ni Hesus upang makisalamuha sa mga tao ay paglimot sa kanyang sarili bilang Anak ng Dios, isang hari subalit nakipamuhay sa mga ulila, makasalanan, may karamdaman, mga aba at walang kapangyarihan, pinasan niya ang kasalanan ng sanlibutan upang ipahayag ang pagmamahal sa ating lahat at sa ganitong diwa ay ang pagsunod niya sa plano ng Panginoong Diyos.
Hindi natatapos ang pagtawag ni Hesus sa mga tao anumang uri ng kasarian, at kalagayan sa buhay. Tinatawag nya upang sumunod at bakahin ang gampanin na kanyang ginampanan dito sa lupa- ang ipahayag ang kaligtasaan at isang buhay na sagana na marapat danasin ng lahat.
Sa ating pagsunod, kinakailangang limutin ang ating sarili… mga bagay na kung saan ay komportable tayo, mga bagay na ginagawa natin para lamang sa ating sarili, ang hamon sa atin ay kalingain at pagmalasakitan ang iba, ang paglimot sa sarili ay pagkakataon upang makita ang pangangailangan ng iba, kumilos at makibahagi upang tugunan ayon sa ating kakayahan para sa mga taong higit na nangangailangan sa atin, mga bata at kababaihan na biktima ng karahasan at pagsasamantala. Sa pagpasan ng krus ng ating Panginoon ay paglalagay sa ating mga balikan ng ministeryona kanyang ginampanan, at mula dito ay makasusunod tayo sa kanya at tawagin tayo bilang mga alagad.
Katulad ng sa isang awit na nilikha ni Gary Granada na nagsasabing… Hangga’t may isang nagugutom, hangga’t may isang nauuhaw, hangga’t mayroong mga pusong nagdurusa’t namamanglaw, hangga’t mayroon naaalipi’t sa layaw ay nalululong…Tayo ay mayroon gawain…tayo ay mayroong misyon.
Hangga’t may isang naulila, hangga’t may isang nakapiit, may kapansana’t napinsala, naging balo’t nagkasakit, hangga’t may isip at damdamin, naghahagilap ng tugon…tayo ay mayroon gawain…tayo ay mayroon misyon
Hangga’t ang kanyang katarungan, pagpapala at pagmamahal- mangyari sa sandaigdigan at pangalan Niya’y itanghal. Hangga’t may luhang papahirin hangga’t may pagkakataon… tayo ay mayroon gawain…tayo ay mayroon misyon. ##
Text Source: https://lectionary.library.vanderbilt.edu/lections.php?year=B&season=Lent