Floyd Castro, United Methodist Church
Awit 122:1-5
2 Samuel 5:1-3
Mga Tga Colosa s 1:12-20
Lucas 23:35-43
Self-preservation. Pangangalaga sa sarili. Sariling kaligtasan. Ito ang hamon ng “crowd” kay Hesus habang siya ay nakapako sa krus.
Bukod sa hostile ang mga taong nakapaligid kay Hesus, nasa dehado siyang kalagayan dahil kahit ang karamihan sa kanyang mga alagad ay takot at marahil ay kasalukuyan nang nagtatago.
Mahirap ilarawan ang sakit at panghihinang nararamdaman ni Hesus. Marahil alam niyang kung hindi maiibsan ang sakit mula sa mga bugbog at sugat, ito na ang kanyang ikamamatay.
Naka-program sa utak nating mga tao ang pangangalaga sa sarili. May instinct ang bawat isa sa atin na tumutulong upang manatili tayong buhay o ligtas mula sa kapahamakan. Halimbawa, hindi natin kailangang isiping huminga dahil alam ng utak natin na kailangan itong gawin ng regular para mabuhay. Automatic nating binibitawan ang mga bagay na mainit o nakakapaso. Lumalayo o umiiwas tayo sa mga lugar at taong pinaniniwalaan natin maaaring magpapahamak sa atin.
Maraming mukha ang self-preservation sa lipunan. Nagsusumikap ang marami sa pag-aaral para makasigurong magiging maayos (o nakabubuhay) ang kinabukasan. Naghahanap-buhay ang mga tao sa iba’t ibang paraang kaya (kasama ang mga itinuturing na “iligal”) upang may mapagkunan ng pagkain, inumin, at iba pang pangunahing pangangailangan. Namamalimos, nangunguha ng pagkain sa basura o nagnanakaw naman ang iba; isinusuko ang dignidad o “moralidad” para lang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan ng katawan.
Nagiging mas mahirap para sa isang pangkaraniwang empleyado ang mamasukan sa Kamaynilaan kung palaging mabigat ang trapik – kaya kailangang paalisin ang mga street vendors. Nagpapalala sa sitwasyon ng kalsada ang mga jeepney drivers na walang disiplina kung magmaneho kaya kailangang i-phase-out ang mga gamit nilang sasakyang nagbubuga ng maruming usok.
Kailangang tanggalin sa trabaho ang mga empleyado bago mag 6 na buwan para masigurado ng may-ari ang tina-target na kita. Magiging mas affordable ang pagkain kung hindi magkakaroon ng limitasyon ang pagpasok ng imported rice. Kailangang gumanda ang political image ng mga nanunungkulan kaya gumagastos ng malaki para sa media/social media campaign imbes na bigyan ng pansin ang serbisyong panlipunan.
Para maprotektahan ang mga taga-lungsod mula sa tagtuyot o kakulangan sa tubig, kailangang gumawa ng mga dambuhalang dam. Labis na pagmimina naman ang magsu-supply sa highly computerized at connected na lifestyle ng marami para sa kanilang kabuhayan at entertainment.
Makikita natin sa iba’t ibang bahagi ng lipunan ang banggaan ng pangangailangan at nais ng mga tao kung saan mas lalong nawawalan ang halos wala, humihina ang mas mahina, natatalo ang hindi nakikiagaw.
Hindi malayo sa inaasahan ang hamon ng mga tao kay Hesus dahil natural lang na gawin ng isang taong may kapangyarihan ang lahat upang mailigtas niya ang kanyang sarili mula sa kapahamakan. Ginagamit ng tao ang kakayahan na mayroon siya upang mabuhay o ma-secure ang buhay na may kasiguruhan. Mananamantala, makikipag-agawan, mandadaya; tatanggap o mangunguha ng hindi para sa kanya kahit pa tapakan ang pagkatao ng iba. Sa kabilang banda, mayroon namang sinasagad sa pagod ang katawan sa pagtatrabaho, magpupuyat at pagtitiisan kahit ang tratong di-makatao kumita lang ng sapat para mabuhay.
Ngunit may alternatibo sa self preservation. Totoong mahalaga ang pagmamahal o pangangalaga sa sarili kasama ang mga itinuturing na bahagi ng sarili (gaya ng pamilya). Pero ipinakita ni Hesus na kahit sa pinakamasakit (o tila mababang) bahagi ng kanyang buhay, ang pag-igpaw sa sarili upang magbigay ng buhay at pag-asa sa iba ay ang katangian ng totoong may kapangyarihan. Para kay Hesus, hindi lang para sa sarili ang taglay na lakas o kakayahan. Ang kaharian ng Diyos ay hindi nasasaksihan sa pagpapakita ng lakas at lalong hindi ito nakakulong sa pagliligtas ng sarili. Tulad ni Hesus, sa pamamagitan ng ating taglay na lakas maaari nating makita at maunawaan ang kalagayan ng iba at gagamitin ito upang samahan ang isa’t isa sa hinahangad na “paraiso”.##