AWIT 27:1, 4, 7-8
Mga Gawa 1:12-14
1Pedro 4:13-16
Juan 17:1-11
Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak: Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.3At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.4Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.5At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.1
6Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita.7Ngayon ay nangakilala nila na ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo ay mula sa iyo:8Sapagka’t ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.9Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka’t sila’y iyo:10At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: at ako’y lumuluwalhati sa kanila.11At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako’y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin.
Ama ,ingatan Mo Sila
Sa kalaliman gabi ng Mayo 23, 2017, isang nakapangingilabot na pahina ang naidagdag sa ating kasyasayan…muling pagdedeklara ng batas militar sa lupain ng Mindanao.
Binalot ng pangamba ang aking dibdib. Higit na nag-aalala sa kalagayan ng aking pamilya, mga kaibigan, ng lipunan. Bagama’t hindi niloob ng Diyos na ito ay direktang kong maranasan dahil sa kamurahan ng aking edad nung ito ay unang itinaas ng rehimeng Marcos ng taong 1972, buong-buo ang loob at walang pag-aalinlangang ito ay tahasang kinokondena. Marahil nang dahil sa maraming buhay ng estudyante, manggagawa, magsasaka ang inutang nito at libo-libong mga ama, ina, anak ang iniwang ulila at patuloy na nananangis magsahanggang ngayon.
Ang deklarasyong ito ay hindi sumisino at rumirespeto tagapagtaguyod ka man ng kapayapaan o naglilingkod sa kabanalan ng paniniwala. Ikaw man ay nagsisilbi sa higit na aba o nagtuturo ng kamulatan sa karapatan ay itinuturing na subersibo, kalaban ng estado at marapat na supilin. Katuruan sa simbahan at paggampan ng gawaing banal na pakikipamuhay sa piling ng mga dukha at maralita ay pilit sinasawata,tinututulan. Naghahasik ito ng lagim sa pamamagitan ng mga kalunos-lunos na pagpapahirap, pagpaslang at pagyurak sa mga pantaong karapatan.
Panalangin:
Ama, pawiin mo ang takot at pangamba na ngayon ay nananahan sa aking isipan. Muling pagningasin ang diwa ng paglilingkod ng walang alinlangan. Ang mag-alay ng panahon, kaisipan, lakas at buhay kung kinakailangan ay muli mong pag-alabin. Bigyan mo ako ng sapat na lakas na maihakbang muli ang mga paa patungo sa paggiit ng karapatan at buong tinig na pumalahaw ng kalayaan kaparis ng pakikipaglaban ng anak mo nuon upang mapalaya ang marami sa pagka-alipin. Ama, marami ang pumasan ng krus at sumunod sa hakbang ng pakikibaka at pagpapalaya. Marami ang yumakap sa tagubilin mong magmahal at kumalinga ng kapwa. Sa kabila ng katotohanang ang landasing ito ay masalimuot, masukal, nanalig na tagumpay ay matamis na makakamtan. Ama, lumuluha ako para sa kalagayan ng mga kapatid sa Marawi at buong Mindanao. Binabalot sila ng takot at kawalan ng pag-asa. Ang mga ina na hindi magkawari kung paano makakalasagan ng yakap ang kanilang mga anak at mga amang handang makidigma pamilya lamang ay mapangalagaan. Ingatan mo sila Ama at yakapin. Pawiin mo ang kanilang mga takot at patahanin. Ama, ingatan mo ang iyong mga lingkod at palakasin. Akayin sa pagpapatuloy ng misyong iniatang na pasanin. Ang maglingkod sa maralita at magsulong ng katotohanan ay gawaing makatao at makalangit. Ang magdusa at mag alay ng buhay ay isang matamis na kaloob sapagkat ito ay ginugugol sa paglilingkod##
Liza Adamoz Cortez
United Methodist Church