Exodus 22:20-26
Psalm 18:2-4, 47, 51
1Teselonica 1:5-10
Mateo 22:34-40
Ngunit ng marinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, ay nagtipon sila. At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya ay subukin. “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” At sinabi sa kanya: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pagiisip mo.” Ito ang dakila at unang utos. At ang pangalawa ay katulad nito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
“Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Maaari ba nating paglingkuran ang Panginoon habang tinatalikuran natin ang mga aba?
Ako ay may nakilalang isang bagong pari na inatasang maglingkod sa isang parokyang wala halos gustong ma-assign, bilang bahagi ng kanyang paghuhubog bilang isang pari. Ito ay sa Payatas. Ang dingding ng kanyang simbahan ay dingding din ng kanyang kapitbahay. Ang problema ng pamilyang nakatira sa barong-barong na kapit-bahay nya ay problema nya rin araw-araw. Pag nag-aaway ang mag-asawa, ramdam nya, sya din ay kahalo sa gulo. Ang amoy ng paligid na nuong una ay hindi nya masikmura ay unti-unti nya na ring nakasanayan. Ang ingay ng paligid na nung una ay nakaririndi para sa kanyang pandinig ay unti-unting nagkakaroon ng himig sa mga araw at buwan nyang nakakapiling. Hindi lang ni minsan na natatagpuan nya ang kanyang sarili na nakikipagsalo sa mga payak na inihahain sa kanya ng mga hikahos na pamilya. Sa tuwing sya ay nananalangin ng mag-isa sa tuwing lumilipas ang bawat araw, nararamdaman nya na ang mga matataas na pader na naghihiwalay sa pagitan ng komunidad at simbahan ay unti-unting nabubuwag. At sa bawat pakikilakbay nya sa araw-araw na pakikipagtunggali ng mga tao sa buhay, sila ay nadudulutan nya ng inspirasyon at pag-asa, habang sya naman ay unti-unting nabubuo ang pagkatao. Sa pagkakataong ito ay higit nyang naunawaan na hindi ang mensahe lamang ang nagtatakda upang ang tao ay mabuhay ng ganap, makatarungan at kasiya-siya kundi ang paghahabi ng Salita at sarili sa kalagayan ng mga Dukha.
Posible bang mahalin ng isang tao ang iba tulad ng pagmamahal nya sa sarili o higit pa? Maaari bang isang-tabi ang pansariling kapakanan alang-alang sa ikabubuti ng iba?
Minsan ako ay mayroong nakausap na isang magaling na manananggol. Sa aming pag-uusap, ay hindi ko mapigilang pansinin ang kanyang mga pudpod na sapatos. Pabiro ko siyang sinita na sa galing nyang abogado eh pwedeng pwede syang maging isang consultant ng isang malaking kumpanya,magkaroon ng saliring sasakyan at mga mamahaling sapatos. Lalong naging lubos ang paghanga ko nang makita ko sa kanya ang kadakilaan ng paglilingkod na kaylan man ay hindi masusukat sa kinang ng mamahaling sapatos o ano mang maluluhong gamit. Ang hindi kaylan man pagtuon ng buong panahon para sa sariling kapakanan at ilaan ang lahat ng makakayanang paglilingkod laan sa nakararami at karapatan ng mahihina ang nakapagpatibay ng aking paninindigan bilang isang mapagsilbing alagad ng Diyos.
Kapag sinasambit natin na mahal nating ang Diyos, ito ay nararapat na may kaukulang pagyakap sa kabuuhan ng kanyang mga nilikhang iniibig. Lalong-lalo na sa mga dukhang sa kanya lamang nananalig ng awa at pag-asa.
Unang nakibahagi ako sa gawain ng Asuncion Perez bilang volunteer nuong panahon ng bagyong Yolanda. Nakiisa ako, kasama na rin ng ilang mga kabataan ng St. John United Methodist Church na nagtungo sa isa sa mga komunidad sa Quezon City kung saan pansamantalang kumalinga ng mga lumikas na ilang pamilyang nasalanta at nawalan ng tirahan mula sa Tacloban Leyte upang magbahagi ng konting tulong na pagkaing pangtawid man lang. Doon naka kuwentuhan ko ang ilang mga inang naiwang kumakalinga nang mag isa sa buong pamilya nang sa kadahilanang kailangang maiwan sa Leyte ang kanilang mga ama ng tahanan para maki pila sa ano mang tulong na maibibigay sa kanila ng gobyerno.
Sabi ng isang ina, “anong simbahan kayo?” Habang ang ilan ay halatang nangingilag sa amin. “Salamat at kahit hindi kami katulad nyo ay tinutulungan nyo kami”, ang sabi nya. “Kasi nuong nandun pa kami sa probinsya at katatapos lang ng bagyo, may nag bigay ng tulong pero para lamang sa mga ka-iglesia nila.
Parang may kung anong kumurot sa puso ko dahil hindi lamang ito ang unang pagkakataon kong narinig itong ganitong klase ng sama ng loob. Itong ganitong uri ng diskriminasyon ay napakalakas din sa loob ng ating iglesya. Nagkakasamaan ng loob ang ilan ng dahil lamang sa usapin ng pagbibigay at pagpaprayorita sa mga kasama sa simbahan sa usapin ng relief. Hindi ang mas nangangailangan at mas hikahos ang binibigyang pansin. Ang pagpapadalo at pagpapatanggap sa ating mga simbahan minsan ay ginagawang sukatan ng katagumpayan ng isang programa. Nawa’y mamulat tayo na ang pag-aalay natin ng ating sarili at ang pag-asang naidudulot ng ating pagbabahagi ay higit na matimbang na dahilan upang sila, sa kabila ng pagkalugmok ay matutunang kumapit muli sa pag-asa ng pagbangon at kadakilaan ng pagmamahal ng Diyos. Pagmamahal na inialay nya sa atin ng walang pagsisino at ano mang pagaalinlangan. Pagmamahal na kumikilala sa katarungan at karapatan bilang mga anak nya, bilang tao.
Sa iyong muling pagninilaynilay iyong kapain…tunay mo bang mahal ang Diyos at sampu ng kanyang mga anak na dukha, maralita at api? Handa ka bang ibukas ang mga pinto ng iyong tahanan at sambahan para kalingain ang mga walang tahanan at pakanin ang mga nagugutom sa hapag ng iyong kainan? Makikilakbay ka ba sa araw-araw nilang pakikibaka sa kahirapan ng buhay? Mananangis ka din ba sa kaapihang patuloy nilang dinaranas sa kamay ng mga mapagsamantala? Sisigaw ka rin ba ng katarungan at aakayin sila para sa ganap na pagbangon at maliwanag na kinabukasan?
Kapayapaan at pag-ibig sa ating lahat.##
Liza Adamos Cortez
United Methodist Church
Quezon City