Fr. Aris Miranda, MI
Mga Awit 138:1-3, 6-8
Genesis 18:20-32
Mga Taga Colosas 2:12-14
Lucas 11:1-1
Ang tema ng ating pagninilay sa ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon ay ang pagdarasal. Di kaila na ang pagdarasal ay isang gawain ng isang taong matino at matuwid at may paggalang sa isang higit pa sa atin na walang iba kundi ang Diyos, ang tagapagligtas, tagapaglikha at tagapagtaguyod ng ating buhay. Kahit ano mang relihiyon o sekta ang dasal ay ang pangunahing sangkap. Ang tunay na dasal ay naghahangad ng kabutihan o kagalingan. Walang dasal na naghahangad ng kasamaan o kamatayan kahit pa man sa mga masasamang tao.
Sa panahon natin ngayon talamak ang karahasan, kasinungalingan, panlilinlang at patayan. Ang dasal ay isa sa pinakamabisang panangga. Alalahanin natin ang mga magsasaka, pawis at dugo ang ipinuhunan upang lumikha ng ating “kakanin sa araw-araw” (Lk 11:3) na sa tuwing pagbaba nila sa bahay patungo sa kanilang sakahan, abot-langit ang kanilang panalangin na makabalik silang buhay dahil sa mga maling bintang at banta sa kanilang buhay. Humigit kumulang nasa 180 magsasaka ang pinaslang nitong mga nakalipas na 3 taon. Ito’y naghasik ng matinding takot sa hanay ng mga magsasaka. Alalahanin natin ang mga mangingisda na pumalaot at iniwan ang kanilang mga pamilya sa loob ng isang linggo o buwan para makahuli ng mga isda para sa ating pang-araw araw na ulam na sa pag-akyat nila sa kanilang mga bangka, abot-langit ang kanilang panalangin na di sila mapahamak sa anumang sakuna na gawa ng kalikasan o ng tao. Maalala natin ang mga mangingisda ng Mindoro na hindi pinaniwalaan ang kanilang mga salaysay noong sila ay banggain ng barkong mula sa Tsina. Alalahanin natin ang mga kabataan na naghahangad ng pag-unlad at nagsikap upang makaraos sa matinding kahirapan na sa tuwing paglabas nila sa kanilang tahanan abot langit ang kanilang panalangin na di sila mapahamak sa anumang karahasan. Maalala natin ang mga kabataan na napagkamalian na nagbebenta ng droga at napaslang dahil di umanoy nanlaban. Kahit ang mga taong simbahan na panatag ang kanilang loob dahil sa taimtim nilang pagdarasal at wagas na paglilingkod sa kapwa ay nangangamba pa rin dahil sa mga gawa-gawang kaso ng sedisyon. Kamakailan lamang ilan sa mga personalidad, pari at obispo ang kinasuhan.
Kung tutuusin ang mga nabanggit ay ilan lamang sa isang mahabang litaniya at agoniya ng ating mga kapatid dahil sa mga matitinding pananakot at banta sa kanilang buhay kapalit ng kanilang wagas na paglilingkod sa sambayanan at paninindigan sa katotohanan. Ang tanging armas nila ay ang panalangin. Paano nga ba natin mapagtagumpayan ang mga hamon na ito sa pamamagitan ng dasal? Bakit tila reseta ng Panginoon para hilumin ang ating takot at pangamba?
Ang panalangin ay higit pa sa paghingi ng samut-saring pabor mula sa Panginoon o tugon sa ating mga suliranin at pangangailangan. Higit sa lahat ang pagdarasal ay kagaya ng isang pamantasan na nagtuturo sa atin sa mga bagong bagay at katotohanan upang tayo’y magiging ganap sangayon sa plano ng Diyos. Sa ating mga pagbasa itinuturo sa atin ang tunay na kahulugan ng pagdarasal.
Sa unang pagbasa sa aklat ng Genesis, ating narinig kung paano nakipagkulitan si Abraham sa ating Diyos na parang isang negosyante na nakipag-bargain sa kanyang supplier. Ang pagsang-ayon ng Diyos sa mga panukala ni Abraham ay nagpapatunay lamang kung gaano kalawak ang kanyang pang-unawa at habag sa ating kapwa na matutunghayan lamang sa unti-unti sa pamamagitan ng ating pagdarasal. Sa ating mga panalangin mas higit nating makikilala ang Diyos. Hindi magaganap sa isang tagpo ngunit sa mahaba at walang patid na pakikipag-ugnayan sa Kanya.
Ikalawa sa ebanghelyo ni San Lukas, higit nating makikilala si Kristo at ang ating Ama sa pamamagitan ng panalangin. Si Kristo ay tunay na madasalin at napapatunayan natin ito sa mga malinaw, matapang at matatag na desisyon na ginawa niya sa kanyang buhay gaya ng pagtanggap Niya sa krus. Bagamat nararamdaman niya ang matinding hirap na haharapin, lubos niyang isinabalikat ang kalooban ng kanyang Ama at itinakwil ang sariling interes. Ang tunay na nagdarasal ay matibay at panatag ang loob kahit pa man sa gitna ng mga hamon o pananakot o banta sa buhay dahil sa paglilingkod. Ang pinakamabisang epekto ng panalangin ay katatagan ng loob. Kung matatag ang iyong loob, makakamit mo ang tunay na kaunlaran sa buhay.
Meron isang kasabihan – “Sabihin mo sa akin kung paano ka nagdarasal at sasabihin ko sa iyo kung sino ang Diyos na pinaniniwalaan mo.” Ang ikatlong punto ay ang Diyos na pinaniniwalaan natin ay hindi ang Diyos na mapanghusga, mapagparusa, mapanggalit, o isang magician o slot machine na kapag sinewerte ka siksik liglig na biyaya ang matatamo mo. Bagamat alam na nang Diyos ang ating mga pangangailangan, pinili niyang makipag-ugnayan sa atin bilang kanyang mga tunay na anak; pinili niyang bigyan tayo ng pagkakataon na matuto at lumago gamit ang biyaya ng talino, lakas at kakayahan na pinagkaloob niya sa atin. Hangad niya na tayo’y kikilos at makibaka sa mundong ito upang muling likhain at panibaguhin ang mundong ito na puno ng katarungan at kapayapaan na siyang magbigay daan sa tunay at ganap na pag-uunlad sa ating sarili at sambayanan.
Tayong mga alagad niya ay umaasa na magkaroon ng katuparan ang kanyang ipinangko na namumutawi sa bibig ni propeta Ezekiel. “Ipakikilala ko ang kabanalan ng aking dakilang Pangalan, na nalapastangan sa mga bansa dahil sa inyo, at mababatid nilang ako si Yawe kapag ipinamalas ko na sa kanila ang aking kabanalan sa piling ninyo … titipunin ko kayo buhat sa lahat ng bansa at ibabalik sa inyong sariling lupa… Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at ilalagay ang isang bagong espiritu sa loob ninyo. Aalisin ko sa inyo ang pusong bato at bibigyan ko kayo ng pusong laman… Mamumuhay kayo sa lupang ipinagkaloob ko sa inyong mga magulang. Magiging bayan ko kayo at ako ang inyong Diyos. (Ezk 36:23-28). “Mga pinuno mo’y mga rebelde, kasabwat ng mga magnanakaw, sa suhol ay matatakaw, sa regalo ay dayupay. Di nila hinaharap ang daing ng ulila, sa kanila’y di nakaaabot, hinaing ng mga biyuda.” (Is. 1:23). Ang sambayanan ay naghahangad ng bagong kaharian na kung saan ang mga aral ng Diyos ang siyang maging gabay at hindi ang kasakiman at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ang tanging hangad ng Diyos ay tunay at ganap na paghahari Niya na magmumula at lumago sa bawat nilalang na handang magpunla ng kabutihan, pagmamahalan, katarungan at kapayapaan. “Mapasaamin nawa ang iyong kaharian.” Ito ang paghahari na inaasam-asam natin sa mahabang panahon. Ngunit magkaroon lamang ito ng katuparan kung taimtim ang ating pagdarasal; kung isasabuhay natin ang kanyang mga tagubilin sa tunay na paghahari; kung maninindigan tayo sa prinsipyo ng kanyang paghahari; kung handa nating ipaglaban ang kapakanan at interes ng mga maliliit, api at nilapastangan ang kanilang mga karapatan.
Kaya sa madaling sabi, hindi kailanman maging tunay ang iyong pagdarasal kung isinaalang-alang lamang natin ang sariling interes at kinaligtaan ang daing ng sambayanan na nilapastangan ng mga namumuno. Ang biyaya ng Diyos ay para sa isa at para sa lahat lalo na sa mga mas higit nangangailangan dahil ang Diyos ang siyang tunay na nagmamay-ari sa lahat ng bagay sa mundong ito at malaya niyang ipinagkaloob sa atin bilang kanyang mga tunay na katiwala at di mga panginoon o diyus-dyusan. Hindi ito matutupad kung hindi tayo kikilos bilang mga bahagi ng Katawan ng Diyos – ang sambayanan – na pinagkalooban ng lakas, at tapang na harapin ang mga hamon mula sa mga sakim sa ating lipunan.
Ang panalangin ay lumilikha ng pagbabago sa ating buhay na higit pa sa ating inaasahan. Pero iwasan natin ang mga ilusyon at hungkag na pag-asa. Maaring sa panlabas mananatili pa rin ang mga suliranin ngunit sa panloob naghahari ang katatagan at kahandaan sa pakikibaka. Ito na ang tunay na bunga ng ating mga panalangin; pinakikinggan tayo ng ating Amang makapangyarihan sa lahat. Masasabi natin na tayong lahat ay nagsipagtapos sa tunay na Pamantasan ng Pagdarasal.
Aris Miranda, MI
Sao Paolo Brazil, 23/7/19